Katatapos lamang mamili ng tatlong magkakaibigan na sina Gina, Yoly, at Janice. Patuloy pa rin sila sa pagkukuwentuhan habang palabas ng department store sa loob ng mall.
“Grabe! Ang hirap palang humanap ng ireregalo sa kasal!” reklamo ni Yoly.
“Nakakahiya naman kay Ma’am Nitz kung pupunta tayo sa kasal niya ng wala tayong dalang regalo,” ang sabi naman ni Janice.
“Kayo talaga, puro kayo reklamo,” ani Gina. “Ang mabuti pa, kumain muna tayo at nang mapawi iyang pagod ninyo bago tayo umuwi.”
“Mabuti pa nga,” sang-ayon ni Yoly.
Dumiretso ang tatlo sa isang fast food na nasa loob ng mall. Halos pare-parehong burger meal lang ang in-order nila, maliban na nga lang kay Gina na pina-upsize ang French fries niya.
“Addict talaga sa French fries,” pansin ni Janice sa kanya.
Kibit-balikat lamang ang itinugon ni Gina dito. Matapos mabayaran ang mga kinuha nila ay naghanap na sila ng kanilang mauupuan.
“Ang dami namang tao,” reklamo ni Janice. Halos wala na kasi silang makitang bakanteng mesa.
“Pa-take out na lang kaya natin ito,” suhestiyon naman ni Yoly.
“Huwag na,” tanggi naman ni Gina. “Makakahanap pa tayo ng lugar. Konting tiyaga lang.”
Luminga-linga ang tatlo at naghanap nga ng bakanteng mesa. Nang biglang matigilan si Gina.
“Oh my God!” Nakita din pala ni Janice ang nakita nito.
“Ano iyon?” nakakunot na tanong ni Yoly.
“Si Mark!” sagot ni Janice sabay nguso sa lalaki.
Tumingin si Yoly sa tinutukoy ni Janice. Pagkatapos ay sabay silang napatingin kay Gina.
“Girl…” Hinawakan ni Yoly sa braso si Gina. “Okay lang kung ayaw mo na dito.
“Oo nga,” sang-ayon naman ni Janice. “Pa-take out na lang natin itong food natin.”
Bago pa man makasagot si Gina ay nakita na siya ni Mark. Nginitian siya ng lalaki. .
“Nakita na niya tayo, eh,” ani Gina. Saka niya nginitian si Mark.
Lumapit si Gina sa mesa nina Mark. Pagkakita naman ng lalaki sa kanya’y tumayo ito.
“Gina! Long time no see, ah,” bati ni Mark sa kanya.
“Hi, Mark,” ganting bati naman ni Gina, sabay ngiti dito.
“Janice! Yoly! Kumusta?” bati naman ni Mark sa mga kaibigan nito.
“Okay lang,” sagot ni Yoly sa kanya. Si Janice naman ay ngiti lamang ang isinagot.
“Sa’n kayo?” Luminga-linga ang lalaki at naghanap ng bakanteng mesa para sa tatlo.
Nakitingin na rin si Gina. “Ewan nga, eh. Wala na yatang bakanteng mesa.”
“Kung gusto n’yo dito na lang kayo sa mesa namin. Maluwang pa naman kami dito,” alok ni Mark sa tatlo.
“Ah, huwag na. Nakakahiya naman sa inyo,” tanggi ni Janice.
“Oo nga,” sang-ayon ni Yoly. “Hanap na lang kami ng ibang mesa.’
“Hindi, okay lang,” pilit ni Mark. Saka niya tinignan ang mga kasama. “’Di ba?”
“Yah!” sagot ng isa sa mga ito.
“O, see? Dito na lang kayo.”
“Sige,” sang-ayon ni Gina. Saka na ito naupo.
Nagtataka namang sumunod ang dalawa niyang kasama.
Ipinakilala ni Mark ang mga kasama sa kanilang tatlo. “By the way, mga kasama ko nga pala sa trabaho. Si Mon, Josh, at Alice. Mga kasama ko sila sa trabaho. At heto naman si Carla.”
“Hindi namin siya kasama sa trabaho… But she’s someone special sa isa diyan,” pabirong wika ni Josh.
Nagpaulan naman ng tukso ang dalawa pang kasama ni Mark. “Uy!”
Napatingin si Gina kay Mark. Wari niya’y para itong nahihiya na ewan.
“Tumigil nga kayo diyan,” saway ni Mark sa mga kasama.
Parang nakuha na ni Gina ang set up sa pagitan ni Mark at ng Carla na iyon. Tumingin siya sa babaeng katabi ni Mark at saka niya ito nginitian.
“Hu! Kagusto mo nga, eh!” ang sabi naman ni Alice.
“Ahm… Girlfriend mo siya?” tanong ni Yoly kay Mark.
Si Mon ang sumagot kay Yoly. “Hindi pa, pero soon to be.”
Umulan na naman ang tuksuhan mula sa mga kasamahan ni Mark. Hindi nila napansin ang saglit na pagtitinginan nina Yoly at Janice.
Muling nginitian ni Gina si Carla. “Nanliligaw siya sa’yo?”
Ngiti lang ang sinagot ni Carla sa kanya.
“Bagay kayo,” ani Gina dito. At saka ito ngumiti. Pagkatapos ay ang mga French fries sa kanyang harapan ang pinagtuunan nito ng pansin.
“Kitam! Kahit ibang tao nakikita ang chemistry n’yong dalawa,” ani Josh.
Biglang sumingit si Janice sa usapan. “Ang swerte mo, Girl,” wika niya kay Carla. Sarcastic ang dating, pero wala yatang nakapansin noon, maliban na lang kay Yoly na talagang alam ang balak ni Janice, at kay Gina na napatingin sa kaibigan. “May blessing ka pa galing pa mismo from Mark’s ex-grilfriend.”
Natigil ang parang pagpipiyesta ng mga kaibigan ni Mark. Napatingin silang lahat kay Gina.
Kahit hindi nakikita ay ramdam ni Gina ang mga tingin ng mga kasama. Hinintay niya kung ano ang gagawin ni Mark. Pero wala itong ginawa o sinabi man lang. Napangiti siya. Hindi pa rin pala ito sanay sa mga ganoong awkward na sitwasyon. Alam niyang kanina’y hindi rin ito at ease nang makita silang tatlong magkakaibigan. Dala na lamang siguro ng kagandahang asal kaya sila nito pinansin. And she has to give him credit for asking them to join them in their table.
“Ex,” aniya saka siya tumingin kay Carla. “Meaning, past tense, hindi present, at lalong hindi future. Ex.” Saka siya ngumiti.
Somehow ay parang nakahinga ng maluwag si Carla. Napangiti na rin ito.
“Oo nga naman,” sang-ayon ni Josh. And after a while ay nabalik na ulit ang sigla ng lahat.
“So, kumusta ka na?” tanong ni Mark kay Gina.
“Heto, okay lang naman,” sagot nito.
Si Yoly naman ang sumingit sa usapan. “Actually, magiging supervisor na namin siya. “
“Talaga?” Tumingin si Mark kay Gina at saka ngumiti. “Congratualtions.”
Ngumiti rin si Gina. “Thanks. Ikakasal na kasi si Ma’am Nitz. Eh sa Bulacan na sila titira after that. Doon kasi nakabase iyong mapapangasawa niya. Actually, kaya nga kami nandito ay dahil bumili kami ng regalo sa kanya.”
“Ah,” ani Mark habang tumatango-tango.
“Ikaw? Kumusta na ang work mo?” tanong naman niya dito.
“Okay rin lang,” sagot ni Mark.
“Na-promote din siya,” pagbibida naman ni Josh sa kanila. “Treat niya nga ito sa amin, eh.”
“Talaga? Congrats,” nakangiting bati ni Gina sa kanya.
Ngumiti rin si Mark. “Thanks.”
Sa French fries na kinakain itinuon ni Gina ang paningin. “So, we’re better off without each other pala,” pabiro niyang wika.
Bahagyang natigilan si Mark. Pagkatapos ay napatingin din siya sa kinakain. “Oo nga, ‘no?”
Napangiti si Gina. Pagkatapos ay nagpatuloy na siya sa pagkain ng French fries. Ramdam din niyang tumahimik ang mga tao sa paligid niya.
Napatingin si Mark sa kanya. “Hindi ka pa rin nagbabago. Mahilig ka pa rin sa French fries.”
Napaangat ng tingin si Gina. “Ah… Oo. Medyo mahirap na ring tanggalin iyong mga nakagawian na, ‘di ba?”
Nakangiting tumango si Mark. “Uhm… Heto, ketchup ka pa diyan. Alam ko gustong-gusto mo ng maraming ketcup kapag kumakain ka ng French fries.” Iniabot niya dito ang mga ketchup niya.
Walang nagawa si Gina kundi tanggapin ang mga ketchup na inilapag ni Mark sa kanyang harapan. “Salamat.”
“You’re welcome.” Saka ito ngumiti sa kanya.
Ilang saglit din niya itong tinitigan. Pagkatapos ay nag-iwas ito ng tingin. “Actually, hindi na ako naglalagay ng maraming ketchup ngayon kapag kumakain ako ng French fries. Kapag minsan nga, iba na ang dip na ginagamit ko.”
“Talaga?”
“Oo,” sagot ni Gina kay Mark, sabay ng pagtango. “Naisip ko kasi, masarap din pala ang ang French fries kahit walang ketchup, kahit iba ang kasama nito, o kahit pa nga mag-isa lang ito.”
Naghintay ng reaksiyon si Gina mula kay Mark, pero nanatili itong tahimik. Pag-angat niya ng tingin ay nahuli niya ang titig nito sa kanya. Saka lang niya nakuha kung bakit hindi ito naka-react sa sinabi niya.
“Uhm… Girls,” Humarap ito sa mga kasama. “’di ba, may mga gagawin pa kayo?”
Nakuha naman ni Yoly ang ibig nitong sabihin. “Ah, oo. Aalagaan ko pa pala iyong pamangkin ko kasi may lakad iyong ate ko.”
“Ako rin,” ani Janice. “Tutulungan ko pa sa project niya iyong kapatid ko.”
“Mauna na kami,” paalam ni Gina sa iba. Pagkatapos ay bumaling siya kay Mark. “Sige.”
Tumango lamang si Mark.
Pagkatapos ngitian si Carla ay tumayo na si Gina. Sumunod na rin sa kanya sina Yoly at Janice.
Habang naglalakad ay patuloy pa rin sa pagkain ng French fries si Gina. At habang kumakain ay isang eksena ang bumabalik sa kanyang isipan.
Nasa isang fast food sila noon ni Mark. Kauupo pa lamang nila sa isang bakanteng mesa ay ang French fries na kaagad ang inasikaso niya. Ibinuhos niya ang apat na sachet ng ketchup sa tissue at saka sinimulang kainin ang paborito niya.
Nakatingin lang sa kanya si Mark. Mukhang tuwang-tuwa nga ito sa panonood ng magana nitong pagkain.
Napansin iyon ni Gina. “O, hindi ka pa kumakain?”
Ngumiti si Mark. “Favorite mo talaga ang French fries, ‘no?” sa halip ay wika niya.
Napangiwi si Gina. “Addict, ‘no?”
“Okay lang iyan.” Saka niya pinunasan ang ketchup na nasa sulok ng bibig nito. “Ang cute mo ngang tignan, eh. Para kang bata kapag kumakain ka niyan.”
Ngumiti si Gina. “Alam mo, para akong French fries, at ikaw, ketchup. Feeling ko kasi, mas masarap ang French fries kapag may kasamang ketchup. Parang ako. I feel so much better when I’m with you…”
Natitigilang napatitig si Mark sa kanya. Nang nakabawi siya’y… “Ibig mong sabihin, sinasagot mo na ako?”
Nakangiting tumango si Gina. Pagkatapos ay yumuko ito saka muling ipinagpatuloy ang pagkain ng French fries. Naramdaman na lamang niya ang paghawak ni Mark sa kamay niya. Napatingin siya dito.
“Thank you…” Saka nito hinalikan ang kamay niya.
Napansin ni Yoly na parang naluluha si Gina habang kumakain ng French fries. Nasa jeep na sila noon at pauwi na sila sa kanya-kanyang mga bahay nila. Katapat niya sa upuan si Gina na katabi naman ni Janice.
Lumapit siya dito at hinawakan ang tuhod nito. “Girl, okay lang iyan.”
Nagpilit ngumiti si Gina. “Naisip ko lang… Ang tagal na rin pala, pero hanggang ngayon umaasa pa rin ako. Dapat noon pa sinubukan ko nang mag- let go.”
Hinagod naman ni Janice ang likod nito. “Okay lang iyon. It’s not your fault. Siguro mahal mo lang siya masyado kaya ganyan.”
“Oo nga,” ani Yoly. “Di bale. Andito lang kami. Tutulungan ka namin.”
“Oo nga,” sang-ayon naman ni Janice. Saka siya nito niyakap sa balikat.
“Salamat,” ani Gina. Pagkatapos ay bumaling ulit siya sa kinakaing French fries. “Ngayon ko lang na-realize, masarap din pala talaga ang French fries kahit walang ketchup.”
Naisip niya, dapat ay matagal na niyang sinubukang kainin ang French fries ng walang kasamang ketchup.
Naisip niya, dapat ay matagal na niyang sinubukang kainin ang French fries ng walang kasamang ketchup.
